Ang Liham Kay Gurna

15875140_1367670009950288_2778086559574971149_o

Gurna,

Ang sabi mo’y higit pa sa tunay na anak ang turing mo kay Pirena.

Kaya ba itinago mo sa kanya ang liham ng kanyang tunay na ina? Kaya halos alisan mo siya ng karapatan na mahalin siya at magmahal ng iba? Kaya ninakaw mo ang bawat sandali na sana ay inilaan ni Pirena sa pagtahak sa mabuti at tamang daan?

Higit pa sa isang tunay na anak? Saan mo ba hinugot ang tinuran mong ‘yan, Gurna?

Napakabuti mo noong hindi ka sumang-ayon na pasakitan ni Pirena ang kanyang anak na si Mira. Patunay na may natitirang awa sa iyong puso para sa mga anak na inaapi ng magulang.

Nakikita mo nga marahil ang sarili mo kay Pirena. Naaawa ka sa kanya. Sa anong dahilan, Gurna? Ano’ng mayroon sa iyong nakaraan? Ikaw ba’y naging bahagi ng isang pamilyang wasak at walang pagmamahalan? Pinagdamutan ka ba ng pagkalinga? Pinagmalupitan ng tadhana? Iniwan ng sinisinta? Binigo sa pag-ibig ng isang Encantado nang matuklasan niyang nananalaytay sa’yo ang dugong Hathor? Bakit, Gurna? Bakit?

Subalit sa anupamang dahilan, nakita mo ba ang ginawa mo, Gurna? Pinasunod mo si Pirena sa lahat ng gusto mo. Nilason mo ang isip niya simula pagkabata. Inilayo mo siya sa pagmamahal na abot-kamay lamang niya. Itinanim mo sa kanya ang inggit at pagkamuhi para sa kanyang mga kapatid. Hindi ka totoong naging huwarang ina kay Pirena. Hindi yata anak ang turing mo kay Pirena bagkus ay isang alipin.

Alam kong hindi mo lang kasalanan ang lahat ng nangyari kay Pirena. Hindi lang ikaw ang nakapaligid at humubog sa kanyang pagka-Diwata. Hindi mo lang kasalanan kung bakit siya nagpasakop sa mapanirang kapangyarihan at kasamaan. Batid kong kasalanan din ito ni Pirena sapagkat may sariling galaw rin ang isip niya at may kalayaan siyang makapamili sa tama at sa mali, sa tuwid at sa hindi. Si Pirena ang pangunahing salarin sa pagdurusang dinaranas niya ngayon.

Subalit naging tulay ka sa lahat ng ito, Gurna. Naging tulay ka upang mapariwara si Pirena. Naging tulay ka upang makalimutan niya ang mabubuting aral at asal na itinuro sa kanya ng tunay niyang ina na si Mine-a. Naging tulay ka upang makalikha ng isang masamang nilalang, ng isang halimaw, sa katauhan ni Pirena.

Sa bawat nakalalasong salita na namutawi sa iyong bibig, naging busabos si Pirena. Napakahusay mo, Gurna, dahil nagawa mong bingihin si Pirena sa tawag ng pagpapakumbaba at bulagin sa katotohanan na may pamilya siya na handang mag-alay ng pag-ibig, suporta, at ligaya. Napakahusay mo, Gurna. Napakahusay mo.

Minsan naiisip ko na kaya mo ninais na maging Reyna si Pirena ay dahil kapag nangyari iyon, tiyak na ikaw ang magiging Punong Dama ng Lireo. Isang masaganang kaharian ang Lireo, at ang pagkakaroon mo ng mataas na katungkulan sa palasyo nito ay nangangahulugan din na kaginhawaan sa buhay ang ibibigay nito sa’yo. At bilang ikaw ay isang ordinaryong Encantada lamang, hindi kita masisisi kung naghangad ka rin ng kapangyarihan, kayamanan, at maging ng katanyagan.

Batid kong hindi ka masaya dahil nagawa mong pagtaksilan ang iyong anak-anakan upang iligtas ang iyong sarili. Dinadalaw ka na ng katakot-takot na panaginip na isang araw, si Pirena mismo ang papaslang sa’yo. Hindi habambuhay ay maitatago mo ang liham ng Ynang Reyna na kung noon pa lang ay nabasa na ni Pirena, baka hindi niya sinapit ang sawing kapalaran na kayong dalawa mismo ang gumuhit.

Hindi ko lubos maisip kung ano ang gagawin sa’yo ni Pirena sa oras na matuklasan niya na sa kabila ng pagiging tapat mong Dama, ikaw ay isang bulaang kaibigan. Tila ba hindi ko nais na siya ang kumitil ng iyong buhay sapagkat kahit papaano ay ikaw pa rin ang nag-aruga sa kanya, dumamay sa mga sandaling siya ay walang-wala at nag-iisa. Kaya kahit parang ahas na nagpalaki ng isa pang ahas ang relasyon ninyong dalawa, umaasa akong pagsisisi at kapatawaran ang igaganti ninyo sa isa’t isa.

Ngunit hindi ko talaga alam kung saan ka na pupulutin, Gurna. Kaya ipinapayo ko na magdasal-dasal ka na.

Nagmamahal,
Kambal-Diwa ni Mine-a . . . na sumanib kay EncantadiaSAGA

Advertisements

One Comment Add yours

  1. joen says:

    all your ideas about enca.. iloveit 😘

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s