Kabanata 1 – Ang Brilyante ng Apoy

Kabanata 1 – Ang Brilyante ng Apoy

Malalakas na hiyaw ng isang babae ang sumasabay sa pag-alab muli ng pinakamalaking bulkan sa Lupain. Ilang siglo na ang nagdaan simula nang mabuhay muli ang Bulkan ng Hathoria. At gaya ng mga likas na kababalaghan sa Lupain, ang pagputok ng bulkang gaya nito ay takda ng isang makasaysayang pangyayari o ‘di kaya’y katuparan ng itinakda.

Si Azulan ay apo ng makasaysayang Diwata ng Apoy, si Pirena, ang unang reyna ng Hathoria. Sa kanyang katandaan, ngayon lang muli nagparamdam ang bulkan ng kaharian na kanyang nasasakupan. Sabay sa pagsilang ng kanyang apo, ang kanyang tagapagmana sa kanyang anak na si Sangin, ay alam niyang isisilang din ang napakaraming pagkakataon upang lalong pagyamanin ang kaharian ng Hathoria.

Ang Bulkan ng Hathoria ay pinagmumulan ng ­­mira, ang pinakamatibay na tingga sa buong Lupain. Ito ay likas na ginagamit ng mga Hathor sa pakikidigma at sa tuwing nagiging aktibo ang Bulkan lamang ito namimina. Naglalabas ng kumukulong putik ang bulkan na kaytagal bago mapalamig at maging ganap na matigas para mapanday. Ang bulkan ay binalangkas upang magkaroon ng mga silid at kamara sa loob nito na pinag-uugnay ng mga hagdan, pasilyo, at mga tulay kung saan mas mapapadali ang pagkuha ng ­mira ­ at iba pang mineral sa loob ng bulkan. Ang pinakamahalagang bahagi ng pagpanday ng mga mineral na ito, lalong-lalo na ang mira ay ang pagpapalamig ng kumukulong putik na ito sa mga batis ng Adamya, ang kaharian sa Timog. Sinasabing may taglay na kapangyarihan ang tubig nito na siyang humahango sa kumukulong putik upang maging ­­mira—­ang pinakamatibay na mineral sa kalupaan.

Dahil dito, lalong umalab ang pananalig ni Azulan na ang kanyang apo ay may mahalagang gampanin sa mundo. Simula’t sapul ay karangalan na ang kaloob ng sinumang magiging hari ng Hathoria sa kaharian nito: ibayong kasaganaan, mga bagong pagkatuklas sa sandatahan at pagpanday ng armas, at iba pa. Alam ni Azulan na muling patutunayan ng bagong salinlahi ang papel na gagampanan nito. Ngunit higit sa lahat ng nakaambang kaunlarang ihahatid ng kanyang tagapagmana, lalong nagagalak ang matandang hari sapagkat matapos ang napakaraming taon ay maaari na rin niyang maipahinga ang kanyang leeg sa bigat ng Koronang Apoy, upang gampanan naman ang isang panibagong papel—ang turuan, hasain, at makipaglaro kasama ang kanyang pinakamamahal na apo.

“Aaaaaaaaahhhhh!” ang sigaw ni Sangin. Siya ay nakakubli sa Dingal na Torre, ang pinakamatayog na istruktura sa Hathoria, na nakaluklok sa dulo ng siyudad, malapit sa bulkan. Apat na babaylan ang nakapalibot at katulong niya sa pagluwal ng sanggol sa mundo.

“Isang hiyaw na lang, Sangin,” wika ni Desa, isang babaylan at matalik na kaibigan ng nanganganak na babae.

“Kaysakit ng pagsubok na ito, Desa, nais ko nang sumuko,” ang sagot lamang ni Sangin habang naghahalo ang kanyang pawis at luha. Sa napakalaking bintana ng silid, masisilayan ang puting usok na lumalabas mula sa Bulkan ng Hathoria. Sa puso ng usok na ito ay makikita ang mahina at naglululang apoy ng bulkan. Doon itinuon ni Sangin ang kanyang pansin at doon siya humugot ng lakas. Gaya ng nagbabadyang apoy ng bulkan, kailangan niyang hugutin ang lakas na nananahan sa kanya upang isilang ang kanyang anak.

“Haaaaa!” Ipinikit niya ang kanyang mata at naalala niya ang kanyang sintang si Banlik. Ang una nilang pagkikita sa lupain ng ginto, nang ipakilala siya ng kanyang amang hari sa mga monarka ng Sapiro, ang kaharian sa Hilaga.

“Haaaaaah!” Iminulat niya ang kanyang mata at sinilayan ang ningas ng bulkan. Umagos ang kanyang luha sa mga alaala ng kahapon. Nang hindi tanggapin ng kanyang amang hari si Banlik pagkat isa lamang itong hamak na minero ng ginto. Nagpalitan ang hapdi ng pagluwal nya ng sanggol at ang hapdi nang malamang hindi sila maaaring magsama ng kanyang sinta.

“Haaaaaaaaah!” Muli niyang ipinikit ang kanyang mga mata. Nanariwa sa kanyang isipan ang pagkamatay ng kanyang asawa. Nang itulak ito sa Bulkan ng Hathoria bilang paglabag sa utos ng Hari sa pag-ibig nito sa Prinsesa ng Hathoria.

Sa ikatlong hiyaw ni Sangin, tumigil ang agos ng kanyang luha. Ang mahihinang yanig ng bulkan ay nawala. At isang munting pag-iyak ang humalili sa kanyang mga sigaw.

“Isang lalaki, gaya ng hula ng punong babaylan, Sangin! Isang lalaki ang iyong anak!” ang wika ni Desa.

Hindi namalayan ng mga babaylan na pumasok na pala ng silid si Haring Azulan. Kanyang minasdan at hinaplos ang pawis na pawis na noo ng kanyang natatanging anak.

“Ama, isang lalaki. Ang prinsipe ng Hathoria. Papangalanan ko siyang Baga,” ang nakangiting tinuran ni Sangin, habang hagkan ang umiiyak na sanggol.

“Baga. Kaygandang ngalan. Natitiyak kong magiging matipuno at makisig na mandirigma ang aking apo,” bakas sa mga labi ng hari ang lubos na kagalakan at pagmamalaki.

Ngunit dahan-dahan, nawala ang ngiti sa mga labi ni Sangin. Sa isang iglap ay bumilis ang kanyang hinga.

“Anong nangyayari sa aking anak?” ang pagtataka ni Haring Azulan. “Mga babaylan, hindi ba naging matiwasay ang kanyang pagluwal sa sanggol?”

“Mahal na Hari… si Sangin…” ang nasambit lamang ni Desa.

Nagdilim ang kalangitan nang ang puting usok na inilulwal ng bulkan ay nahalili ng makapal at maitim na alabok. Ang maliit na ningas sa puso nito ay lalong nagliwanag. At sumunod ang malalakas na pagyanig.

“Magsisilang pa ng isa si Sangin! Kambal ang kanyang mga anak, mahal na Hari!” ang wika ni Desa habang pinupunasan ang tagaktak ng pawis ni Sangin at hawak ang kanang palad na ito. “Sangin, ikaw ay magsisilang pa ng isang sanggol.”

Nanlaki ang mga mata ni Haring Azulan. Hindi niya ito inaasahan. Gayun din ang kanyang anak na si Sangin, na tila humihingi ng kasagutan sa kanyang ama.

“Lakasan mo ang loob mo, Sangin. Kailangan mong isilang ang isa mo pang anak,” ang sambit ni Azulan sa kanyang tumatangis na anak. “Desa, mga babaylan, gampanan ninyo ang inyong tungkulin. Kailangan kong balaan sandali ang siyudad sa pagputok ng Bulkan.”

Wala nang naisagot pa ang kaisa-isang anak ng Hari liban sa isang napakalakas na hiyaw. Kanyang sinilayan ang bulkan na nagngangalit at nagbubuga na ng apoy.

Pumanaog si Haring Azulan sa balkonahe ng silid. Huminga ng malalim at ang kanyang mga kamay ay bumuo ng isang bola ng enerhiyang nag-aapoy. Itinapon ng Hari ang bola ng enerhiya patungo sa kalangitan, sa taas ng sumisigaw na bulkan. Pininta ng bolang apoy ng kulay pula ang kalangitan at ito ay nagsilbing babala sa Hathoria na maging handa sa paglikas anumang oras.

Pinakawalan ni Sangin ang isang napakalakas na hiyaw, ang pinakamalakas na hiyaw na narinig ng buong Hathoria pagkat kasabay nito ay pagsabog ng bulkan. Sa isang ire ni Sangin, kanyang naalala ang masasayang sandali na pinagsaluhan nila ni Banlik.

Ang sakit na kanyang naranasan, ang mga patak ng luha mula sa kanyang mga mata ay napalitan ng isang payapang ngiti nang marinig ang pag-iyak ng isa pa niyang anak.

“Parehong lalaki ang iyong kambal, Sangin,” ang balita ni Desa.

“Siklab…” ang mahina niyang bulong nang kanyang tanggapin sa kanyang mga bisig ang umiiyak na sanggol, “Prinsipe ng Hathoria.”

“Isa ring napakagandang ngalang nababagay sa isang magiting na Prinsipe,” ang sabi ng hari na malumanay na lumapit sa kanyang humahangos na anak.

Ngumiti si Sangin sa kanyang ama. Sana’y ipinagmamalaki mo ako, Ama, sa kabila ng mga kahihiyang idinulot ko sa ating kaharian. Muli siyang lumuha. Dito, isang mapagkalingang ngiti ang isinagot ni Haring Azulan.

Dahan-dahang pumikit si Sangin. At dahan-dahang nawala ang pagkakakapit niya sa kanyang anak. Dahan-dahang binawian ng buhay ang ina ng kambal na Prinsipe ng Hathoria.

* * *

Tumahimik na ang Bulkan. Nawala na ang usok na pinakakawalan nito at napalitan lamang ng liwanag na nagmumula sa bunganga nito. Sa puso ng balangkas ng bulkan, lubhang nagliliwanag ang isang silid—ang Kamara ng Brilyante ng Apoy. Inilagak dito ng Hari ang makapangyarihang bato upang bantayan ang Bulkan at sugpuin ang pagbabadyang pagsabog nito sa napakahalagang araw na ito sa Hathoria.

Pinasok ng mga Kawal ng bulkan ang Kamara upang siyasatin ang pagliliwanag na ito. Kanilang nasaksihan na pinalilibutan na pala ng nagngangalit na apoy ang brilyante na tila isang pusong umaalab sa galit. Lumapit ang isang kawal upang masilayan nang malapitan ang brilyante. Isa-isang nabuo ang mga bitak sa mahiwagang bato at sa isang napakalakas na pagsabog na tumulak sa mga kawal palayo—nahati sa dalawa ang Brilyante ng Hathoria.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s